Ibinunyag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na base umano sa mga dokumentong nakita niya noong siya’y adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), may alokasyong P300 milyon mula sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) program ng Department of Health (DOH) na nakapangalan kay dating Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Magalong na ikinagulat niya umano ang naturang dokumento na nagpakita ng malaking alokasyon sa ilalim ng programa ng DOH.
“Alam mo, nagulat ako nang makita ko sa dokumento ng DOH tungkol sa MAIP funds — iyong Medical Assistance for Indigent Patients. Dapat kasi equitable ang distribution niyan. Surprisingly, may nakita akong P300 million na nakalaan sa kanya,” ani Magalong.
Dagdag pa niya, tinukoy niya ang posisyon ni Quimbo bilang vice chairperson at kalaunan ay chairperson ng House Committee on Appropriations sa 19th Congress.
“Gano’n sila ka-powerful,” aniya.
Giit ni Magalong, mainam umanong imbitahan ng ICI si Quimbo upang magbigay-linaw sa mga usaping may kaugnayan sa umano’y mga insertions sa panukalang pambansang badyet para sa 2025.
“Ako siguro, kailangan isa sa mga imbitahan diyan si dating Congresswoman Stella Quimbo,” pahayag pa ni Magalong, na nagsilbi ring adviser ng ICI bago siya magbitiw kamakailan.
Bukod kay Quimbo, iminungkahi rin ni Magalong na ipatawag ng ICI si Benguet Rep. Eric Yap, dating chairperson ng House Appropriations Committee noong administrasyong Duterte.
Nauna nang tinukoy ni Navotas Rep. Toby Tiangco si Quimbo bilang kabilang umano sa maliit na komiteng tinalakay ang ilang insertions sa 2025 national budget.
Batay sa ilang rekord, may apat umanong infrastructure projects sa distrito ni Quimbo na ipinatupad noong 2022 at 2023 sa ilalim ng mga kumpanyang konektado sa mga kontratistang sina Sarah at Curlee Discaya, kabilang ang Great Pacific Builders and General Contractor Inc., JMLR Construction and Supply, St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp., VPR General Contractor and Construction Supply Inc., at Alpha and Omega General Contractor and Development Corp.
Si Quimbo ay nagsilbing kinatawan ng 2nd District ng Marikina City mula 2019 hanggang 2025 at tumakbo bilang mayor noong 2025 ngunit hindi nagwagi. RNT