MANILA, Philippines – Pinag-iingat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga residente ng Visayas sa posibleng pananalasa ng hanggang walong bagyo bago matapos ang taon, kung saan may 60 hanggang 70 porsyentong posibilidad na ang ilan sa mga ito ay tatama sa rehiyon.
Ayon kay Engineer Al Quiblat, hepe ng PAGASA-Mactan, nananatiling vulnerable ang Visayas sa mga bagyong nabubuo malapit sa bansa, lalo na sa inaasahang pagdating ng mahinang La Niña na makaaapekto sa klima hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.
“Dili ta kompyansa (huwag tayong maging kampante),” babala ni Quiblat sa isang media forum. “Active ug dynamic ang atong dagat (ang ating karagatan ay aktibo at pabago-bago) dahil sa 71 percent chance ng La Niña.”
Batay sa forecast na inilabas noong Setyembre 24, posibleng pumasok o mabuo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang lima hanggang walong tropical cyclone bago matapos ang 2025.
Para sa Oktubre, inaasahan ang dalawa hanggang apat na bagyo, habang dalawa hanggang tatlo ang posibleng pumasok sa Nobyembre, at isa hanggang dalawa sa Disyembre.
“Take note that during the ber months, particularly November to December, the chance of bagyo moving toward the Visayas is 60 to 70 percent,” ani Quiblat, na nagsabing kadalasan ay sa panahong ito tumatama ang mga malalakas na bagyo sa gitnang bahagi ng bansa.
Paliwanag niya, ito ay dahil sa northeast monsoon o amihan na karaniwang nagtutulak ng mga bagyo patungong central Philippines sa huling bahagi ng taon. RNT/JGC