Home OPINION KALIGTASAN MUNA ISIPIN BAGO KITA

KALIGTASAN MUNA ISIPIN BAGO KITA

215
0

ISANG malungkot na insidente na naman ang yumanig sa industriya ng konstruksyon nito lamang Lunes sa Bonifacio Global City, Taguig matapos bumagsak ang elevator core wall ng isang ginagawang istruktura. Sa nasabing aksidente, isa ang nasawi habang tatlong iba pa ang sugatan.

Sa gitna ng mabilis na pag-unlad at pagtaas ng mga bagong imprastraktura, muli na naman tayong napaisip – hanggang saan nga ba ang pagpapahalaga ng mga ‘bosing’ sa kaligtasan ng mga manggagawa sa konstruksyon?

Hindi naman natin nilalahat, pero may iilan pa ring may-ari ng construction company, managers, supervisors at foremen ang tila nagiging pabaya sa kanilang safety and health responsibilities. Sa kaso ng BGC incident, nagampanan kaya nila ang kanilang mga tungkulin? Kung totoong wala silang kinalaman, saan nga ba nagkamali?

Malalaman natin ang lahat ng iyan sa magiging resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad.

Ang ganitong mga pangyayari ay hindi dapat ituring na “karaniwan” o “parte ng trabaho.” Hindi maaaring tanggapin na aksidente lang ang lahat. Bawat araw, libo-libong manggagawa ang nagbubuwis ng pawis at lakas upang maitayo ang mga gusaling nagiging simbolo ng kaunlaran. Pero sa kabila ng lahat, kinukulang pa rin sa proteksyon. Sa bandang huli, buhay nila ang nasasakripisyo sa ngalan ng bilis at tubo.

Panahon na upang muling silipin ang panukalang magpapataw ng criminal liability para sa mga pasaway na kontratista. Hindi natin ninanais ang sinoman na makulong pero mas mahirap namang parang roleta na lamang ng kapalaran kung sinong manggagawa ang susunod na ipapasok sa nitso.

Sabihin na nating walang may gusto sa pangyayari pero hindi natin matatanggap na “aksidente” lang ang lahat. Sa pananaw ng isang OSH professional, siguradong may nagkamali at iyon ang tutuntunin sa isasagawang root cause analysis.

Ang trahedya sa BGC ay isang paalala—isang sigaw ng mga manggagawang madalas tahimik sa panganib. Habang patuloy ang pagtatayo ng mga gusali, dapat ding itayo ang kultura ng kaligtasan at malasakit.

Buhay ang nakataya sa bawat bakal o istrukturang itinataas. Mawawalan din ito ng saysay kung kapalit ay ang pagkawala ng isang ama, anak, o kapatid na nagtatrabaho para sa kinabukasan ng kanyang pamilya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here