NAKATAKDANG bumalik si Senator Ping Lacson sa dati niyang posisyon bilang chairman ng Blue Ribbon Committee. Ayon kay Senate President Tito Sotto, 100% nang sigurado ito.
Kung ako ang tatanungin, hindi naman talaga dapat binitiwan ni Lacson ang chairmanship dahil lang ilang kasamahan niya sa Senado ang nadawit sa flood control scandal.
Wala nang iba pang mas huhusay kay Lacson sa Senado pagdating sa pag-iimbestiga. Kaya naman publiko na mismo ang humihiling sa kanyang pagbabalik. Siyempre pa, naririnig din natin ang mga espekulasyon na sakaling magbalik nga siya, baka raw isantabi lang niya ang kasalanan ng ilang tiwaling opisyal – pero pupusta akong hindi mangyayari ito.
Nananatiling durog ang ego ng Senado simula nang malantad sa mga pagdinig na pinamunuan ni Lacson ang mga nakasisirang testimonya laban sa mga kapwa niya senador. Pero hindi dahilan ito upang umurong siya sa laban. Kung totoo man na magbabalik siya, dapat na tapusin ni Lacson ang kanyang sinimulan at ilantad ang mga nagpayaman ng kani-kanilang sarili sa pamamagitan ng mga kontrata sa Department of Public Works and Highways.
Koneksyon sa Davao
Samantala, naghain si dating senador Antonio Trillanes III ng kasong plunder laban kay Sen. Bong Go, sa ama at half-brother nito, gayundin kay dating pangulong Rodrigo Duterte. Pinaiimbestigahan sa Ombudsman ang ₱7 bilyon halaga ng public works contracts na nakubra umano ng kanilang mga kompanya sa Davao.
Itinanggi ng pamilya Go ang akusasyon, pero hindi maipagkakaila ang pattern: ang kapangyarihan ay nagbunsod ng monopolyo, at ang monopolyo ay nauwi sa pagnanakaw.
Mula sa cocktail tables sa kapitolyo hanggang sa mga construction areas sa Davao, iisang sakit lang ang namemeste. Ang bawat pagbubunyag ay may iisang pinatutunayan: ang korapsiyong nilalabanan natin ngayon ay hindi minana — buhay na buhay ito, lumalala, at nauulit nang nauulit. Hanggang walang naglalakas-loob na hugutin ang pinakaugat ng kabulukan, paulit-ulit lang na magtatayo ng sirang tulay ang republikang ito patungo sa kawalan.
Sino-sino mga ‘kaibigan’ ng First Lady?
Ginawa ng isang pribadong mamamayan ang isang bagay na hindi man lang pagtatangkaang gawin ng isang nasa gobyerno: hilingin sa Independent Commission for Infrastructure na imbestigahan si First Lady Liza Araneta Marcos. Ang siste, lumalabas na may pruwebang magtutunton sa hindi kaaya-ayang koneksiyon kay Maynard Ngu, ang negosyanteng inaakusahang kumolekta ng ₱160 milyon para kay Sen. Chiz Escudero.
Mula sa limitadong mga ulat na kumalat nitong Martes, ang mga litrato ng First Lady habang nakikipag-dinner kina Ngu at Escudero ay nakalakip sa liham, hinihimok ang ICI na i-“review” ang kanilang kahilingan. Hmmm… aasahan ko bang walang mangyayari sa isang ito?
Nag-resign na si Ngu mula sa Altus Property Ventures matapos madawit sa flood control racket ng DPWH. Well, kahit papaano ay usisain man lang ng ICI kung gaano kalalim ang pagkakaibigan ni Ngu kay Escudero at sa First Lady. Kung seryoso ang ICI, gaya nga ng sinabi mismo ng Pangulo, dapat nitong ipatawag ang maybahay ng Presidente at hayaang tumbukin ng fact-finding process ang hindi gugustuhin tumbukin ng kahit sino.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






