Home OPINION PERA SA KALSADA, NAPUNTA SA BULSA

PERA SA KALSADA, NAPUNTA SA BULSA

287
0

AKALA natin hanggang flood control projects lang ang mga scam. Pero nabunyag ang isa pang modus ng mga gahaman. Ibang proyekto, pero pare-parehong mukha ng mga sangkot.

Sa isang imbestigasyon sa Senado, nabisto ang scam sa farm-to-market roads. At ang nasa Top 2 regions na may pinakamalaki at pinaka-overpriced na FMRs ay Bicol (Region 5) at Samar–Leyte (Region 8).

Alam n’yo na kung sino ang mga bida sa mga rehiyong ‘yan? Walang iba kundi si Martin Romualdez at ang bestie niyang si Zaldy Co.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, garapal ang pag-overprice sa FMR sa mga rehiyong ito na umaabot sa ₱348,000 kada metro. Ang standard cost ng DPWH (Department of Public Works and Highways)? Dapat ay nasa ₱15,000 per meter lang. Para tayong naglalatag ng ginto sa mga distritong ito, hindi semento.

Sabi nga ni Gatchalian, “Obvious, may overpricing, ‘di ba? At kung may overpricing, siguradong may corruption.”

Sa listahan ng top contractors sa 2024, pangatlo ang Hi-Tone Construction and Development Corporation na co-founded ng kapatid ni Zaldy Co na si Christopher.

Sa Bicol Region ay mayroong 80 FMR projects worth ₱221 million, ayon sa datos ng DPWH. Sabi ni Gatchalian, “Hindi naman siguro coincidence na Region 5 ang pinakamaraming proyekto, at ang third top contractor ay konektado kay Zaldy Co.”

Sa balwarte ni Martin Romualdez, may proyekto pang umabot ng ₱100 milyon sa Tacloban. Umaabot sa P348,000 kada metro ang kwentahan dito. Kung kalsada man ito, baka papunta sa Switzerland at hindi sa palengke o palayan.

Parehong template, parehong script ng flood control projects. At gaya ng mga nabuking na paglustay sa pondo ng bayan, ang puno’t dulo ng lahat ay ang Appropriations Committee na kinontrol ni Zaldy Co noong 2023 at 2024 at kinukumpasan ni Martin Romualdez bilang Speaker ng Kongreso. Sanamabits!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here