MANILA, Philippines – Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), may 685 bagong paaralan na itinayo mula 2021 hanggang 2025 sa 660 barangay na dating apektado ng insurgency, na nakatulong sa 728,820 estudyante sa ilalim ng Support to Barangay Development Program (SBDP).
Tinukoy ng DILG na ang P1.787-bilyong halaga ng SBDP-funded school buildings ay higit pa sa simpleng imprastruktura, kundi patunay na nararating na ng gobyerno ang mga komunidad na dati’y malayo sa pangunahing serbisyo.
Sa ngayon, may 834 bagong silid-aralan na nagagamit, na nagbibigay ng ligtas at maayos na lugar para sa pag-aaral, lalo na sa mga batang dating naglakad ng malalayong distansya o nag-aaral sa delikadong makeshift classrooms.
Sa Paoc Norte, Sta. Lucia, Ilocos Sur, sinabi ni Master Teacher II Agripino M. Rosimo Jr. na ang proyekto ay hindi lang nagpatayo ng silid-aralan kundi nagpatatag din ng ugnayan at malasakit ng paaralan at komunidad, na nagbibigay ng matibay na pundasyon para sa edukasyon at kaunlaran ng kabataan.
Sa Saliducon, Sta. Cruz, Davao del Sur, ibinahagi ni Punong Barangay Chona Canoy Eting na nalutas na ng bagong silid-aralan ang matagal na kakulangan sa espasyo para sa pag-aaral. Dati, sa ilalim ng puno ng santol sila nagkaklase, ngunit ngayon ay mas komportable ang mga bata at mas hinihikayat ang komunidad na papasukin ang kanilang mga anak sa paaralan.
Hanggang Oktubre 2025, may 68 school building projects na isinasagawa, 19 sa procurement stage, at 95 sa pre-procurement stage. Kapag natapos, magkakaroon ng 1,083 silid-aralan sa kabuuan sa mga dating conflict-affected barangay.
Binanggit ng DILG na ang RCSP at SBDP ay pangunahing bahagi ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at mahalaga sa whole-of-nation approach ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran.
Bukod sa mga paaralan, kabilang sa SBDP projects ang water systems, barangay health stations, agricultural facilities, housing, farm-to-market roads, at rural electrification. RNT/MND