MANILA, Philippines – “Ang totoong lider, hinaharap ang usapin. Hindi nagtatago sa ingay o palusot.”
Ito ang pahayag ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia makaraang humarap si House Majority Leader Sandro Marcos sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos mabanggit ang kanyang pangalan sa mga alegasyong inilahad ni dating kongresista Zaldy Co tungkol sa umano’y budget insertions.
Ayon kay Goitia, nagpakita ng matibay na paninindigan si Sandro Marcos nang kusang loob siyang humarap sa ICI nang hindi napilitan. Ginawa aniya niya ito dahil tungkulin niya ito bilang pinuno at lingkod bayan.
Ayon kay Goitia, sa gitna ng mga pagdinig na madalas nauuwi sa ingay, nanatiling kalmado ang nasabing kongresista. Buong loob umano itong nakipagtulungan at hiniling ang executive session upang manatili sa totoong isyu ang usapan at hindi mahaluan ng pulitika.
Aniya, bilang House Majority Leader, hindi inatake ni Sandro Marcos ang proseso o nakipagsagutan online. Hinarap niya ang mga tanong kung saan ito nararapat. Para kay Goitia, ito ang halimbawa ng tunay na paglilingkod bayan.
“Hindi nasusukat sa ingay ang tapang. Madalas, makikita ito sa tahimik na pagharap na may katapatan at malinis na konsensiya,” aani Goitia.
Ayon pa kay Goitia, ang ginawa ng Majority Leader ay nagbigay ng linaw at kapanatagan sa halip na kalituhan. Ipinakita umano nito ang pananagutan ay hindi dapat iwasan kundi buong tapang na hinaharap. Para kay Goitia, nararapat lamang itong kilalanin.
“Pinalaki nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos ang kanilang anak na may malinaw na diwa ng tungkulin at paggalang sa serbisyo publiko. Makikita sa ipinakitang composure at dignidad ni Majority Leader Sandro Marcos sa ICI ang mga pagpapahalagang itinanim nila sa kanya. May dahilan silang ipagmalaki ang kanilang anak, at naniniwala akong higit pang lalago ang kanyang kakayahan bilang lider sa mga darating na panahon,” giit ni Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, na nagtataguyod ng katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino. RNT