Home NATIONWIDE 685,071 bakwit naitala sa sunod-sunod na bagyo

685,071 bakwit naitala sa sunod-sunod na bagyo

MANILA, Philippines – Nagdulot ng 685,071 bakwit o lumikas ng mga tirahan bakwit ang tropical cyclones na Nika, Ofel, at Pepito, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes, Nob. 18.

Base sa ulat ng NDRRMC, sa nasabing bilang ng bakwit, 446,177 ang nananatili sa mga evacuation center at 238,894 ang nananatili sa ibang mga lugar.

Naapektuhan din ng mga bagyo ang 1,145,942 indibidwal o 295,576 na pamilya sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Nagdulot din ng P469.8 milyong pinsala sa imprastraktura at P8.6 milyong pinsala sa agrikultura ang mga bagyo, ayon sa NDRRMC.

Bahagyang napinsala ng bagyo ang 7,401 na bahay at 437 iba pa ang napinsala, habang 34 na kalsada at 24 na tulay ang hindi madaanan sa ngayon.

Labing-isang lungsod at munisipalidad ang isinailalim din sa state of calamity — walo dito ay mula sa Cagayan Valley, dalawa mula sa CAR, at isa mula sa Central Luzon.

Sinabi ng NDRRMC na sinuspinde rin ang klase sa 690 lungsod at munisipalidad.

Nagbigay din ng P49.1 milyong halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya.

Isang tao ang napaulat na namatay sa Daet, Camarines Norte dahil sa epekto ng Pepito, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) nitong Linggo. RNT