Home OPINION PAPANAGUTIN MGA DOKTOR NA MAY PRESYO ANG PROPESYON

PAPANAGUTIN MGA DOKTOR NA MAY PRESYO ANG PROPESYON

298
0

MAY bigat at lalim ang hakbang ng Professional Regulatory Commission Board of Medicine nang ipasyang ituloy ang imbestigasyon laban kina Dr. Luis Raymond Go at Dr. Viannely Berwyn Flores ng Bell-Kenz Pharma. Hindi ito basta-bastang reklamo sa halip ito ay usaping tumatama sa puso ng etika ng medisina.

Pinuri ni Lorenzo “Erin” Tañada III, ang naghain ng reklamo, ang 12-pahinang resolusyon ng PRC na mariing tumanggi sa mga mosyon nina Go at Flores para ibasura ang kaso. Sa halip, inutusan pa silang magsumite ng beripikadong sagot sa loob ng 10 araw—isang malinaw na pahiwatig na seryoso ang PRC sa pagsusuri sa mga alegasyong may kinalaman sa umano’y multi-level marketing scheme ng Bell-Kenz.

At bakit hindi? Kapag ang isang doktor ay nasasangkot sa komisyon, downline, o anomang istrukturang pang-networking, hindi lamang propesyonal na integridad ang nakataya kundi pati ang kaligtasan at tiwala ng pasyente.

Binigyang-diin ng PRC na sapat ang ebidensiya upang magsimula ng pormal na imbestigasyon, kabilang ang mga sinumpaang testimonya sa Senado na isinumite bilang certified true copies. At dito nagiging malinaw ang mensahe ng PRC na ang etikal na paglabag ay may sariling bigat at hindi ito napapalusot ng teknikalidad.

Pinabulaanan din ng Board ang argumento na walang karapatan si Tañada na magsampa ng reklamo. Ayon sa kanila, kapag ang usapin ay may kinalaman sa integridad ng isang lisensyadong propesyonal, may karapatan ang publiko, abogado man o ordinaryong mamamayan, na humingi ng pananagutan.

Tumpak ang punto ni Tañada: kung ang isang modelo ng negosyo ay naglilihim ng insentibo para sa reseta at rekomendasyon, lumalabo ang hangganan ng propesyon at negosyo. At kapag negosyo na ang umiiral, ang pasyente ang nagiging produkto.

Hindi ito tungkol sa paghabol sa dalawang pangalan. Ito ay laban upang mapanatili ang kredibilidad ng buong propesyon ng medisina. Dahil kung hahayaan nating mag-ugat ang ganitong sistema, mawawala ang pinakamahalagang pundasyon ng pangangalaga sa kalusugan—tiwala.

At ang tiwalang once nasira, hindi kayang gamutin ng kahit anong reseta.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here