Home OPINION POLITICAL BREEDING

POLITICAL BREEDING

357
0

GUSTO ko sanang isipin na si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ay talagang “straight as an arrow,” at nakagawian na niyang ilantad ang sarili sa social media para isiwalat ang mga katotohanan para sa bayan. Ganoon ang image na binuo niya: emosyonal, candid, at halos parang nangungumpisal habang ikinukwento ang mga alegasyong panunuhol para patahimikin siya.

Kamakailan, kine-claim ni Leviste na inalukan daw siya ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa mga classroom sa kanyang distrito kapalit ng pananahimik niya tungkol sa mga questionable Department of Public Works and Highways budget documents. Sabi niya, itinago niya ang mga papel nang ilang buwan dahil sa pressure mula sa isang opisyal ng DPWH. Pagkatapos, naging emosyonal siya habang nagpahahayag ng pagsisisi na hindi naging state witness si dating Undersecretary Catalina Cabral para ilantad ang flood-control scandal. Napaka-compelling ng performance. Swak ang framing.

Pero nagkaroon ng komplikasyon. Inihayag ni DPWH Secretary Vince Dizon na mismong si Cabral ang nagsabi sa kanya na si Leviste raw ang humingi ng access sa mga files noon pang September — at nag-insist pa na i-save ang mga ito sa sarili niyang flash drive. Sumagot naman si Leviste at diretso niyang inakusahan si Dizon na nagsisinungaling. Nagbabala pa siya na kapag inatake siya, ilalabas niya ang hawak niya — ang tinatawag na “Cabral files.”

Dito na lumalabo ang transparency at nagiging brinkmanship. Ang dating kwento ng isang whistleblower, ngayon ay mukhang standoff na ng mga naratibo, kung saan ginagamit ang mga dokumento bilang leverage. Napaiisip tuloy ang publiko: itinago ba ang files na ito dahil sa takot, o itinabi bilang insurance? Ang timing ba nito ay dahil sa konsensya — o dahil sa mahusay na political calculation?

Hindi biro ang tanong na ‘yan, lalo na kung titingnan ang history ni Leviste. Ang yaman niya ay hindi galing sa open-market competition o negosyong binuo mula sa simula. Nakuha ito sa pamamagitan ng legislation — isang solar franchise na may napakalawak na sakop, na kalaunan ay naibenta nang maaga at sa napakalaking halaga. Sabi ng iba, ang political capital ay nanggaling mismo sa kanyang senator-mom, na nag-convert sa clean energy interest para maging private wealth.

Mahalaga ang kontekstong ito dahil pinapakita nito ang isang pattern: mastery hindi ng industriya, kundi ng access, regulation, at narrative. Ngayon, nagpapakitang-gilas si Leviste bilang isang reformer, gamit ang lengguwahe ng ethics at accountability. Pero ang kanyang mga pangunahing tagumpay — noon at ngayon — ay nakadikit nang malalim sa estado (at sa kanyang ina).

At kung titingnan ang nakaraan, ang mga “fits of outrage” ni Leviste laban sa korapsyon ay masasabing selective. Halimbawa, mabilis niyang tinawag na suhol ang P3 million na nakuha kay DPWH engineer Abelardo Calalo ilang buwan na ang nakalipas. Pero bigla siyang nanahimik nang sinabi ni Calalo na ang pera ay “donation” daw na hiningi ni Rep. Jojo Ang para suportahan ang mga proyekto sa distrito ni Leviste.

Hayagan niyang pinangalanan si dating Rep. Eric Buhain bilang umano’y recipient ng kickback — isang claim na itinanggi ni Calalo. Pagkatapos, hiningi niya kay Calalo ang pangalan ng contractors na pwede naman niyang i-verify nang mag-isa mula sa public records. Si Buhain, siyempre, ay isang political foe na mas mainam para kay Leviste na “i-serve nang malamig” sa harap ng kanilang constituents.

Gayunpaman, kapansin-pansin ang pag-iwas ni Leviste na sagutin ang mga claim ni Calalo na sangkot si Ang at ang sarili niyang ina na si Sen. Loren Legarda. Marahil, dahil naglalagay siya ng linya kung saan masyadong malapit na sa kanya ang imbestigasyon.

Hindi naman sa minamaliit natin ang kanyang mga claim laban sa korapsyon. Ang punto lang ay dapat siyang mas suriin — maging ang kanyang sarili. Ang transparency ay hindi nasusukat sa emosyon o exposure lang — gayong expert siya sa paghakot ng views at clicks sa social media — kundi sa consistency, motibo, at pamamaraan.

Bago natin kagatin ang bawat pasabog ng batang mambabatas na ito nang “bait, hook, and sinker,” dapat nating itanong kung ito ba ay tunay na reporma o reputation management lang na ginagawa sa harap nating lahat.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here