IPINAAALAM ng Social Security System (SSS) na magpapatupad ito ng microloan program sa unang bahagi ng taong 2026 at muling magtaas ng pensiyon sa Setyembre 2026, bilang bahagi ng tatlong yugto ng Pension Reform Program ng ahensiya. Kasabay nito, target din ng SSS na palawakin ang operasyon nito sa loob at labas ng bansa at magdagdag ng mga empleyado upang mas mapabuti ang serbisyo sa mga miyembro.
Ayon sa SSS, inaasahang maisasakatuparan ang microloan program sa unang bahagi ng 2026 matapos aprobahan ng Social Security Commission ang mga panuntunan nito noong Disyembre 17, 2025.
Sinabi ni SSS president at chief executive officer Robert Joseph Montes De Claro na sa patnubay ni Department of Finance secretary Frederick Go, ipatutupad ang microloan program sa pamamagitan ng mga partner institutions.
Layunin nitong magbigay ng mas ligtas at abot-kayang pautang para sa panandaliang pangangailangan ng mga miyembro.
Ang pautang ay magkakaroon ng loan tenor na 15 hanggang 90 araw, na may interest rate na 8 porsyento kada taon o katumbas na 0.67 porsyento kada buwan.
Kasabay nito, ipatutupad din ng SSS ang ikalawang yugto ng Pension Reform Program sa Setyembre 2026. Makakatanggap ng karagdagang pensyon ang mga retirement at disability pensioners, habang ang mga death o survivor pensioners naman ay tatanggap ng 5 porsyentong dagdag-pensiyon.
Ang kaparehong mga dagdag ay muling ipatutupad sa Setyembre 2027 para sa mga pensioner na nakarehistro hanggang Agosto 31, 2027.
Plano ng SSS na magbukas ng Foreign Representative Offices sa Madrid (Spain), San Francisco (USA), at Macau, habang magtatayo rin ng 10 bagong sangay sa iba’t ibang panig ng bansa. Upang masuportahan ito, target ng ahensya na kumuha ng humigit-kumulang 1,800 bagong empleyado para palakasin ang frontline services.
Ang SSS ay isang ahensyang inatasang itaguyod ang katarungang panlipunan at magbigay ng proteksiyong pinansyal sa mga miyembro at kanilang pamilya laban sa mga panganib katulad ng sakit, kapansanan, pagbubuntis, katandaan, pagkamatay, at iba pang sitwasyong nagdudulot ng pagkawala ng kita o dagdag na pasaning pinansyal.
Sa pamamagitan ng mga bagong programa at repormang ito, layon ng SSS na mas mapalapit ang serbisyo sa mga miyembro, lalo na sa mga manggagawa at pensioner na nangangailangan ng agarang tulong-pinansyal at mas matatag na benepisyo sa hinaharap.






