MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Department of Health sa publiko na panatilihin ang paglilinis ng katawan, kasabay ng tumataas na kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD).
Sa pahayag, sinabi ng DOH nitong Sabado, Marso 1, na nakapagtala ito ng 7,598 kaso ng HFMD sa pagitan ng Enero 1 at Pebrero 22.
Ito ay halos tatlong beses na mas mataas sa mga naitalang kaso sa kaparehong panahon noong 2024 na 2,665.
Mas mababa nman ito sa mahigit 2,500 kaso na naitala sa isang linggo lamang noong Pebrero 2023.
Karamihan sa mga kaso ng HFMD o nasa 52% ay naitala sa Central Luzon, MIMAROPA, Metro Manila, at Cordillera Autonomous Region (CAR).
Habang 56% o 4,225 kaso naman ng mga tinamaan ay mga bata edad apat na taong gulang at pababa. Nasa 2,069 kaso ang nasa edad lima hanggang siyam.
“Bihirang makamatay ang HFMD at kusa itong gagaling, pero madali itong kumalat. Tandaan na dapat 20 segundo ang paghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Umiwas muna sa ibang tao kung may sintomas… Kumonsulta agad sa pinakamalapit na health center kung makaranas ng mga ito,” ani Health Secretary Teodoro Herbosa.
Ayon sa World Health Organization, ang HFMD ay isang infectious disease na karaniwang nakakaapekto sa mga bata.
Karaniwang sintomas nito ay ang lagnat, mga singaw sa bibig, rashes, at mga blister sa kamay, paa at pwet. RNT/JGC