PANGASINAN, Philippines – Natagpuan sa dalampasigan ng Dagupan City, Pangasinan ang isang 7-anyos na babaeng wala ng buhay at walang saplot sa katawan.
Naunang iniulat ng pamilya na tinangay at isinakay sa SUV ng suspek na tumigil sa tapat ng kanilang bahay sa Asingan ang nawawalang bata nitong Huwebes.
Ayon sa ulat, sinabing nakita ang bangkay ng biktima dakong alas-5 ng madaling araw ng mag-asawang nangingisda sa tabing dagat sa Barangay Bonuan Gueset sa Dagupan.
Kaagad na ipinaalam ng mag-asawa sa mga awtoridad ang nakitang bangkay.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Lawrence Keith Calub, OIC ng Dagupan City Police station, nalaman na may batang babae na nawawala sa bayan ng Asingan nitong Huwebes, kaya’t sa pag-iimbistiga natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.
“Nag-conduct po ng initial examination yung SOCO (Scene of the Crime Operatives), ‘yung medico-legal officer natin, nakita po na may tatlong gilit sa leeg ng bata. Then nalaman namin na itong bata ay ito ‘yung nawawalang bata sa Asingan kagabi,” sabi ni Calub.
Samantala, mariing kinondena ng mga opisyal ng Asingan at Dagupan ang naganap na karumal-dumal na krimen.
Ipinahayag nila ang kanilang pakikiramay sa pamilya ng biktima at nanawagan na mabigyan ito ng agarang katarungan.
Sa isang pahayag mula sa Pangasinan Provincial Police Office, tiniyak ng pamunuan na hahanapin ang suspek at sisiguraduhing mananagot ito sa batas.
“We will not rest until justice is served. The Pangasinan PNP will not tolerate such a heinous act, especially against an innocent child,” pangako ni Police Colonel Arbel Marcullo, OIC, Pangasinan PPO. “To the perpetrator – wherever you are hiding, we will find you. You cannot escape the long arm of the law, and you will face the maximum penalty that justice demands.” RNT/MND