Home METRO 7-anyos sa Caloocan tigok sa tuklaw ng ahas

7-anyos sa Caloocan tigok sa tuklaw ng ahas

MANILA, Philippines – Nasawi sa umano’y tuklaw ng ahas ang isang 7-anyos na batang lalaki sa Caloocan.

Kinilala ng awtoridad ang biktimang si James Abarabar na natutulog nang mamataan ng kanyang ina ang gumagalaw na ahas sa kanilang pintuan.

Ani Czarina Abarabar, ina nang biktima, agad nyang ginising ang kanyang anak nang makita ang ahas.

Matapos nito, nagreklamo na umano si James dahil sa iniinda niyang sakit sa tiyan.

“Sabi niya, ‘Ang sakit ng tiyan ko, ma. Tulungan mo ako.’Tapos iyon, tumawag ako sa asawa ko. Sabi ko, “Iyong anak mo, nagdedeliryo, namumutla na, masakit daw tiyan niya tapos uhaw na uhaw siya. Puro siya tubig nang tubig tapos ‘yon, suka siya nang suka,” kuwento ni Czarina.

Makalipas ang ilang oras, tinakbo na nila sa ospital si James pero idineklara na itong dead on arrival. Huli na nang makita ang sugat sa kamay ng biktima na sinasabing tuklaw ng ahas.

Ayon sa death certificate ni James, dehydration at sakit sa tiyan ang ikinamatay ng bata. RNT