Home NATIONWIDE 7 Indonesian POGO workers sumuko sa PAOCC

7 Indonesian POGO workers sumuko sa PAOCC

MANILA, Philippines – Sumuko ang pitong Indonesian POGO workers sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Biyernes, Marso 7.

Ang working visa ng mga ito ay kanselado na at wala na umano silang pera kung kaya’t minabuti ng limang lalaki at dalawang babaeng Indonesian na bumalik na lamang sa kanilang bansa.

“Aminado sila na mga POGO workers sila. At nung malaman nila na talagang naghihigpit na tayo dito sa ating bansa sa pagkakalabas nga ng Executive Order 74 banning POGOs, talagang minabuti na nila na sumurrender na lang at magpa-repatriate,” pahayag ni PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz sa panayam ng GMA News.

“Honestly, the rules of the President of the Philippines, President Bongbong Marcos, about POGO. No POGO. After that, they don’t want to work in POGO because they know that it’s illegal, right? So they want to go back to Indonesia,” sinabi ng isa sa mga sumukong Indonesian POGO workers.

Dagdag pa niya, nagpapalipat-lipat umano sila mula sa isang POGO patungo sa iba pa katulad ng POGO sa Pasay, Paranaque, Makati at maging sa Cavite.

“Before, they were only betting, and they moved to another company, and they didn’t know they were doing the scam like that,” dagdag ng Indonesian POGO worker.

Bagamat hindi nakaranas ng pisikal na pang-aabuso, nakaranas naman ang mga ito ng verbal abuse at malaking bawas sa sahod kapag hindi nila naaabot ang quota sa mga naiiscam.

“If you don’t get to reach the target or something, they will say you are like ‘stupid.’ If you can’t do this job, ‘Better you die! ‘ or ‘I will electrocute,’ but they only say. No physical abuse,” aniya.

Nasa kustodiya na ng PAOCC ang mga Indonesian at sasailalim sa debriefing, profiling at ipoproseso ng Bureau of Immigration.

Nakikipag-ugnayan na ang PAOCC sa Indonesian Embassy sa Pilipinas para sa kanilang repatriation.

“Nagagawa naman ng paraan yan kasi mayroon tayong embassy na kinakausap na minsan sila sumasagot pagdating sa mga plane tickets. At dito sa opisina rin namin at even yung government natin, we are all willing to support pagdating doon sa kanilang safe na pagbabalik sa kanilang mga bansa,” ani Cruz.

Mula noong nakaraang taon, may kabuuang 30 foreign POGO wotkers na ang sumuko sa PAOCC. RNT/JGC