Home NATIONWIDE 7 menor de edad nasagip sa online sexual abuse sa Taguig

7 menor de edad nasagip sa online sexual abuse sa Taguig

314
0

MANILA, Philippines – “Walang puwang sa lungsod ang pang-aabuso sa bata.”

Ito ang iginiit ni Mayor Lani Cayetano matapos na masagip ang pitong menor de edad sa isang entrapment operation laban sa human trafficking at online sexual abuse sa Barangay Calzada-Tipas noong Martes ng gabi, kung saan agad na nagbigay ng suporta ang Lungsod ng Taguig.

Ang operasyon na isinagawa alas-9:20 ng gabi ay pinangunahan ng PNP at Taguig WCPD, kasama ang mga social worker na nagsilbing pansamantalang tagapag-alaga, nagpasailalim sa mga bata sa medikal na pagsusuri, at nagbigay ng agarang psychosocial intervention. Ililipat ang mga biktima sa child-caring facility para sa rehabilitasyon.

Batay sa imbestigasyon, ang ina ng mga biktima umano ang nagre-record at nagbebenta ng malalaswang video ng kanyang mga anak kapalit ng ₱2,500 bawat transaksyon, katuwang ang kanyang 19-anyos na anak na pinilit din ang sariling tatlong taong gulang na anak. Naaresto ang dalawang suspek at haharap sa kasong paglabag sa anti-trafficking at child protection laws.

“Walang puwang sa ating lungsod ang mga ganitong uri ng pang-aabuso. Hindi natin hahayaang may bata na alipustain… Sa Taguig, buo ang ating paninindigan—ang mga bata ay laging ligtas at laging may kinabukasan,” ani Cayetano.

Mula 2022, nakibahagi ang Taguig CSWDO sa 18 rescue operations at nakapagsagip ng 50 bata mula sa online sexual exploitation. Nangako ang lungsod ng patuloy na suporta sa legal na proseso at psychosocial na pangangalaga sa mga nasagip na menor de edad. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here