BAGUIO CITY, Philippines – Kulong ang dalawang magkasintahan matapos na maaktuhang nagtatalik sa Children’s Park sa Burnham Park, Baguio City.
Naaresto ang 23-anyos na estudyanteng lalaki mula Pangasinan, at ang 22-anyos na babaeng kasintahan nito mula sa La Union matapos na mabisto ng security guard na gumagawa ng kababalaghan.
Una rito’y nakita na niya ang dalawa na naghahalikan sa bleachers malapit sa CR ng Children’s Park subalit hindi niya ito pinansin at nagpatuloy sa pagpapatrolya.
Nang bumalik ito sa lugar makalipas lamang ang ilang sandali, dito na niya nahuli ang dalawa na gumagawa ng hindi kaaya-ayang gawain dahilan upang alertuhin nito ang Tourist Police Unit na sila namang dumakip sa dalawa.
Dinala ang mga suspek sa istasyon ng pulisya para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong may kaugnay sa grave scandal.
Matatandaang noong buwan ng Abril nito lamang taon, mayroong magkasintahan na una na ring naaresto dahil sa parehong insidente na nagpaparaos sa nasabing park. (REY VELASCO)