MANILA, Philippines – Pito katao, kabilang ang isang buntis at 12-anyos na batang lalaki ang nasagip matapos na lumubog ang maliit nitong motorbanca sa kasagsagan ng hagupit ng bagyong Opong sa tubig sa pagitan ng Guiuan mainland at Homonhon Island sa Eastern Samar.
Kinilala ang mga pasahero na sina Jonathan Makabenta, may-ari ng bangka, Marjorie Ballayog, Jeade Badoc, Jaype Samarro, Jeffrey Badayong, Ella Garado na siyam na buwang buntis, at 12-anyos na si James Benedict Badoc.
Ani Guiuan Mayor Annaliza Gonzales-Kwan, ang grupo ay pauwi na sa Barangay Canawayon sa Homonhon Island nang makasagupa ng kanilang bangka at malalakas na hangin at alon dala ng bagyo alas-6 ng umaga ng Huwebes, Setyembre 25.
“I had already issued a no-sailing policy on Wednesday to prevent any maritime accidents due to the approaching typhoon,” ani Kwan sa panayam.
“But they used a different port. When I was informed about the incident, I immediately ordered a search and rescue operation with the help of the Philippine Coast Guard.”
Ayon pa sa alkalde, umalis ang grupo mula Guiuan bandang alas-6 ng umaga ng Huwebes patungo sa Canawayon.
Ang anim sa kanila ay nasagip bandang alas-7 ng umaga ng Biyernes, habang si Makabenta ay natagpuang palutang-lutang bandang alas-10 ng umaga ng kaparehong araw.
“The six clung to the overturned boat while the owner managed to stay afloat using a gasoline container,” dagdag pa ni Kwan.
Dinala na sa Felipe Abrigo Memorial Hospital sa Guiuan ang pitong nakaligtas para sa gamutan.
“All of them are now safe, particularly the pregnant woman and the child.” RNT/JGC