MANILA, Philippines – Natagpuang wala nang buhay ang isang matandang lalaki sa pagtatapos ng tatlong araw na search and rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensya.
Ayon sa PCG, mula sa Barangay Dangdangla, San Juan, La Union ang 72-anyos na lalaki na unang iniulat na nawawala.
Natangay umano ang biktima ng agos ng Baroro River noong Setyembre 23.
Sa kabila ng paulit-ulit na operasyon at paggamit ng K9 units, bigo ang mga team na makita agad ang biktima dahil sa masamang kondisyon ng ilog.
Noong Setyembre 25, isang residente ang nakapansin ng bangkay tatlong kilometro mula sa huling lokasyon ng matanda. Agad itong narekober at kinilala ng pamilya.
Ipinaabot ng Coast Guard at lokal na pamahalaan ang kanilang pakikiramay sa mga naulila, kasabay ng paalala ng pag-iingat sa gitna ng sama ng panahon. Jocelyn Tabangcura-Domenden