Home NATIONWIDE 7 PDLs na pumuga sa jail facility ng PDEA sa Zamboanga tinutugis

7 PDLs na pumuga sa jail facility ng PDEA sa Zamboanga tinutugis

MANILA, Philippines – Nagkasa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa pitong persons deprived of liberty (PDLs) na tumakas mula sa jail facility ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office (PDEA RO) 9 sa Zamboanga City nitong Lunes ng madaling araw, Mayo 13.

Kinilala ng Zamboanga City Police Office (ZCPO) ang mga tumakas na sina Wilson Indanan Sahiban, Junjimar Hajili Aiyob, Jimmy Angeles Sahibol, Kerwin Mohammad Abdilla, Albadir Mala Ajijul, Muhajiran Romeo Jumlah at Amil Khan Mahadali Abubasar.

Sa inisyal na ulat, nadiskubre ng gwardya ang pagtakas ng mga ito 2;45 ng madaling araw at agad na sinabihan ang duty officer kaugnay ng insidente.

Sa inspeksyon, nadiskubre na isang PDL na lamang ang nasa loob ng pasilidad.

Nakita sa insiyal na imbestigasyon na gumawa ang mga suspek ng isang maliit na butas sa kisame ng piitan kung saan ang mga ito tumakas.

Gumawa na ng tracker teams ang PDEA RO 9 at ZCPO para matunton at maaresto ang mga tumakas.

Ang pitong suspek ay naaresto noong Mayo 3 sa buy bust operation sa Barangay Mambang ng naturang lungsod. Nakuha sa kanila ang 21.4 milo ng shabu na nagkakahalaga ng P145.5 milyon.

Ito ang tinuturing na pinakamalaking drug haul sa Zamboanga Peninsula sa mga nakalipas na taon. RNT/JGC