MANILA, Philippines – Nasaktan ang pitong pulis mula sa Philippine National Police (PNP) sa tensyonadong standoff laban sa mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ na nagrally sa Davao City nitong Linggo ng gabi, Agosto 25.
Ito ang ibinunyag ni PNP spokesperson Jean Fajardo sa press conference nitong Lunes nang tanungin kaugnay sa update sa kilos-protesta, kung saan hinarangan pa ng mga KJC member ang bahagi ng national highway sa probinsya.
“’Yung mga pulis po natin nasaktan kagabi: May mga pulis na may basag ang nose bridge, maraming galos, maraming sugat sa paa at mga kamay,” ani Fajardo.
“’Di po tayo ang nagsimula ng gulo in fact hindi nanghuli ang mga kapulisan kahapon because they want to deescalate ’yung tense situation kahapon kahit na binato tayo ng mga monoblock,” dagdag ni Fajardo.
Sinabi rin nito na isa sa mga pulis ang nagtamo ng sugat sa ulo at tiyan, habang ang isa naman ay nagkapasa sa pisngi, at ang iba ay nagtamo rin ng mga pasa sa binti, sugat sa likod ng ulo, left knee injury at sugat sa left wrist.
Sa pitong pulis na nasaktan, anim ang dinala sa ospital. RNT/JGC