Home NATIONWIDE 7-taon na 4Ps extension, para sa kwalipikado lang — DSWD

7-taon na 4Ps extension, para sa kwalipikado lang — DSWD

1
0

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi awtomatikong mapapalawig lampas sa pitong taon ang pananatili ng mga pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Elaine Fallarcuna, tanging mga pamilyang nasa Level 1 o Survival at Level 2 o Subsistence ang maaaring maging kuwalipikado sa extension, alinsunod sa umiiral na eligibility requirements at programa.

Batay sa pinakahuling Social Welfare and Development Indicator (SWDI), nasa 1,381,625 pamilya ang kuwalipikado para sa extension. Kabilang dito ang 1,744 Level 1 families at 1,379,881 Level 2 families.

Kailangan pa ring sumunod ng mga benepisyaryo sa mga kondisyon ng 4Ps kaugnay ng kalusugan, edukasyon at pagdalo sa Family Development Sessions.

Daraan din sila sa taunang reassessment gamit ang enhanced SWDI upang matukoy ang kalagayang pang-ekonomiya at panlipunan ng pamilya.

Kapag umabot na sa Level 3 o Self-Sufficient ang isang pamilya, ililipat ito sa transition path patungo sa paglabas sa programa.

Maaari ring mag-exit sa 4Ps ang pamilya kapag wala na itong eligible monitored child.

Sa ilalim ng Executive Order na inilabas ngayong taon, pinahintulutan ang patuloy na paglahok ng mga kuwalipikadong 4Ps beneficiaries lampas sa dating pitong taong limitasyon, ngunit nananatiling nakabatay ito sa regular na assessment at eligibility ng bawat pamilya. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here