SEOUL, South Korea- Patay sa sunog sa isang hotel sa South Korea ang pitong indibidwal habang 12 ang sugatan, ayon sa mga awtoridad nitong Biyernes.
Sumiklab ang sunog sa ika-walong palapag ng isang hotel sa Bucheon, kanluran ng Seoul bandang alas-7:40 ng gabi (1040 GMT) nitong Huwebes, bago maapula sa loob ng halos dalawang oras, base sa interior ministry.
Patay ang pitong indibidwal, habang 12 ang dinala sa mga ospital upang gamutin, kabilang ang tatlong nasa kritikal na kondisyon, ani Lee Sang-don, opisyal sa Bucheon fire station.
Kabilang sa mga nasawi ang mag-asawang tumalon mula sa bintana sa air mattress sa harap ng gusali, ayon kay Lee.
“It was unfolded normally but appeared to have flipped over when they jumped down,” pahayag niya sa isang televised briefing.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang mitsa ng insidente, at sinabing walang sprinklers sa loob, na hindi mandatoryo nang makumpleto ang gusali noong 2003, batay kay Lee.
Ipinag-utos naman ni Interior Minister Lee Sang-min ang “all-out rescue efforts” sa pamamagitan ng pagpapakilos ng lahat ng available resources, ayon sa ministry. RNT/SA