Home METRO 71 katao, ilang hinihinalang ‘sex workers’, sinagip ng MDSW sa Maynila

71 katao, ilang hinihinalang ‘sex workers’, sinagip ng MDSW sa Maynila

256
0

MANILA, Philippines – Nagsagawa ng “massive rescue operation” ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) na nagresulta sa pagkakasagip sa 71 katao kabilang na ang nasa 12 hinihinalang sex workers sa lungsod ng Maynila, Miyerkules ng gabi, Agosto 20, 2025.

Pinangunahan ni MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente ang nasabing operasyon na isinagawa sa C.M. Recto, Avenida at area ng Paco sa lungsod ng Maynila dakong alas-10 ng gabi.

Kabilang sa mga nasagip sa nasabing operasyon ay mga menor de edad na nasa pagitan 8 hanggang 15 anyos, at ilang mga nasa tamang edad. Ilan sa mga ito ay pakalat-kalat sa mga nabatid na lugar at ang iba naman ay naabutan na natutulog sa tabi ng bangketa.

Ayon kay Dela Fuente, ang mga na-rescue na mga menor de edad ay dinala sa Manila Boystown Complex habang ang mga “homeless” ay idineretso sa Luwalhati ng Maynila na matatagpuan din sa nasabing lugar.

Samantala, ang mga nasagip naman na mga hinihinalang sex workers ay binigyan ng intervention ng MDSW at isasailalim ang mga ito sa kanilang monitoring.

Muli namang nanawagan si Dela Fuente sa mga Manilenyo na mahigpit nilang ipinapatupad ang “curfew” sa lungsod ng Maynila alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

“May curfew po tayo at sa lahat ng mga magulang sinupin po natin mga anak natin lalo na sa gabi,” paalala ni Dela Fuente sa mga Manilenyo. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here