Home LIFESTYLE HEALTH 73 hinihinalang kaso ng Hepa A, iniimbestigahan sa Valencia City

73 hinihinalang kaso ng Hepa A, iniimbestigahan sa Valencia City

1
0

BUKIDNON, Philippines – Kumikilos ang mga opisyal ng kalusugan sa lungsod upang makakuha ng confirmatory testing para sa 73 pinaghihinalaang kaso ng Hepatitis A kasunod ng pagtaas ng mga impeksiyon sa Barangay Lurugan.

Karamihan sa mga apektado ay mga estudyanteng nasa edad 10 hanggang 19. Ayon kay Aron Apostol Rempohito, hepe ng Valencia City Public Information and Assistance Division (PIAD), nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa mga opisyal ng ospital upang pinal na maisaayos ang memorandum of agreement (MOA) para sa pagsusuri.

Kasunod ito ng emergency meeting ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) noong Oktubre 8.

Iniulat ni City Health Officer Michael Escalante sa pulong na tumaas mula anim hanggang 14 ang kumpirmadong kaso sa Barangay Lurugan, habang dalawa naman ang naitala sa kalapit na Barangay San Carlos.

Ayon kay Rempohito, nakalabas na ng ospital ang mga naunang pasyente at nagpapagaling na sa kanilang mga tahanan. Mahigpit namang minomonitor ng mga health personnel ang iba pang pinaghihinalaang kaso sa kani-kanilang bahay.

Karaniwang naipapasa ang Hepatitis A sa pamamagitan ng pagkain o tubig na kontaminado ng virus, lalo na sa mga lugar na may mahinang sanitasyon at kalinisan. Patuloy na iniimbestigahan ng City Health Office ang pinagmulan ng mga impeksiyon habang nagsasagawa ng surveillance at pagsubaybay sa mga kaso.

Bilang pag-iingat, pansamantalang ipinagbawal ng pamahalaang barangay ng Lurugan ang pagbebenta ng lutong pagkain, pagkaing handa nang kainin, at mga inumin ng mga naglalako sa loob ng barangay upang maprotektahan ang kalusugan ng komunidad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here