MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad sa Laos ang 73 Pinoy matapos masangkot sa cyber scam sa naturang bansa.
Kabilang ang mga ito sa 800 katao na inaresto sa kampanya ng Laos kontra cyber scam.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), kumikilos na ang pamahalaan ng Pilipinas para matulungang makauwi ang mga Pinoy sa bansa.
Sa mensahe ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac nitong Biyernes, Agosto 23, sinabi nito na gumagawa na ng paraan ang Department of Foreign Affairs (DFA) para mapauwi ang mga naarestong mga Pinoy.
Pagdating nila sa Pilipinas ay tutulungan din ang mga ito ng DMW.
Dahil sa pangyayari, nagbabala si Cacdac sa mga Pinoy na gusting magtrabaho sa ibang bansa na siguruhing mayroon silang work visa pati na ang kontratang nasuri ng DMW.
Siguruhin din aniya na lisensyado ang recruitment agency na kausap.
Sa ulat, naaresto ang 800 katao na nagtatrabaho sa isang cyber scam network sa “special economic zone” sa border ng Myanmar at Thailand.
Pinaghihinalaang pugad ng iligal na aktibidad sa nakalipas na taon ang isang Chinese-owned casinos at hotels sa Golden Triangle Special Economic Zone (SEZ) na nasa Bokeo province.
Naka-detine ang 771 katao sa operasyon na karamihan ay galing Laos, Myanmar at China.
May mga iba pa na galing Burundi, Colombia, Ethiopia, Georgia, India, Indonesia, Mozambique, Tunisia, Pilipinas, Uganda at Vietnam.
Ang pagsalakay ay bahagi ng mas malaking hakbang ng kanilang pamahalaan para buwagin ang transnational crimes sa SEZ. RNT/JGC