MANILA, Philippines – Nasabat ng mga operatiba mula sa Bureau of Customs’ (BOC) Port District of Clark ang nasa P17.169 milyong halaga ng high-grade marijuana na itinago sa dalawang piraso ng one-seater sofas.
Sa pahayag nitong Biyernes, Agosto 23, sinabi ng BOC na ang pagkakasamsam sa high-grade marijuana ay bunga ng joint operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AVSEG), National Bureau of Investigation (NBI) Pampanga District Office, Department of Justice (DOJ), at mga barangay official ng Dau.
Ayon sa BOC, ang kargamento ay dumating noong Agosto 6, 2024 at idineklara bilang dalawang piraso ng one-seat sofa.
Minarkahan ito para sa inspeksyon ng X-ray Inspection Project (XIP) ng BOC matapos makita ang hindi pangkaraniwang imahe.
Kinumpirma rin sa K-9 sniff test ang presensya ng illegal na droga.
Sa physical inspection, narekober ng BOC ang nasa 10.5 kilo ng 23 self-sealing transparent plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon at fruiting tops na hinihinalang high-grade marijuana, o kilala bilang “kush.”
Itinurn-over na ng BOC sa PDEA ang mga nakumpiska para sa chemical laboratory analysis, na nagkumpirmang ang mga ito ay marijuana nga.
Inisyu ang Warrant of Seizure and Detention sa kargamento dahil sa paglabag sa Section 118(g), 119(d), at 1113 paragraphs f, i, at l (3 and 4) ng R.A. No. 10863, o kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), na may kaugnayan sa R.A. No. 9165.
“BOC pledges to prevent smuggling and protect the country’s borders and our citizens’ well-being against the dangers and ill-effects of illegal drugs and substances,” ani BOC Commissioner Bienvenido Rubio. RNT/JGC