Home OPINION MTPB: TAGA-AYOS NG TRAPIKO O INUUNA PAGKAKAKITAAN?

MTPB: TAGA-AYOS NG TRAPIKO O INUUNA PAGKAKAKITAAN?

7
0

ISA sa mga pinakamatinding reklamo ng mga motorista sa Maynila ay hindi lamang ang trapiko kundi ang tila maling prayoridad ng ilang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau.

Ang pangunahing tungkulin ng isang traffic enforcer ay panatilihing maayos, ligtas, at mabilis ang daloy ng trapiko. Ngunit bakit parang kabaligtaran ang nakikita ng marami?

Subukan ninyong dumaan sa Blumentritt, Abad Santos, Sta. Cruz, Binondo, Malate, Singalong at iba pang pangunahing lansangan ng Maynila sa pagitan ng alas-siyete at alas-otso ng umaga. Sa maraming interseksyon na may traffic lights, madalas ay walang MTPB na nakabantay. Ngunit kapansin-pansin na maayos naman ang takbo ng mga sasakyan. Sumusunod ang mga motorista sa ilaw-trapiko, tuloy-tuloy ang daloy, at walang gaanong aberya.

Ngunit pagdating ng alas-otso ng umaga at nagsidatingan na ang mga traffic enforcer, tila biglang bumabagal ang daloy ng trapiko. Bakit? Dahil imbis na tutukan ang pagpapaluwag ng kalsada, mas marami pang oras ang nauubos sa pagpara ng mga sasakyan at paghahanap ng mga paglabag.

Hindi naman masama ang pagpapatupad ng batas trapiko. Kinakailangan iyan upang mapanatili ang kaayusan. Ngunit kung ang pokus ay tila napupunta na sa panghuhuli kaysa sa pamamahala ng trapiko, may mali nang nangyayari sa sistema.

Dumarami tuloy ang mga motorista na nagtatanong: Ang layunin ba ay disiplinahin ang mga lumalabag o paramihin ang koleksiyon mula sa mga multa? Kapag ganito ang nagiging persepsyon ng publiko, nasisira ang tiwala sa mga nagpapatupad ng batas.

Dito dapat kumilos si Mayor Isko Moreno. Hindi sapat na maraming nahuhuli kung kapalit naman nito ang mas mabagal na biyahe ng libo-libong motorista. Ang sukatan ng mahusay na traffic management ay hindi ang dami ng tiket na naipunto kundi ang bilis at kaayusan ng daloy ng trapiko.

Kung may mga tauhan ng MTPB na mas matalas sa pagkolekta ng multa kaysa sa pagpapadaloy ng trapiko, panahon nang ituwid ang kanilang prayoridad. Dahil sa huli, hindi lamang mga motorista ang naaapektuhan. Ang mismong administrasyon ni Yorme ang nasisisi at ang kanyang imahe ang nadadawit sa bawat araw na lumalala ang problema sa mga lansangan ng Maynila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here