Home HOME BANNER STORY 76 paaralan napuruhan sa Bagyong Tino; klase sa 20K paaralan suspendido

76 paaralan napuruhan sa Bagyong Tino; klase sa 20K paaralan suspendido

323
0

MANILA, Philippines – Mahigit 20,600 paaralan sa buong bansa ang nagsuspinde ng klase dahil sa pananalasa ng Bagyong Tino sa Palawan, Visayas at Mindanao, ayon sa Department of Education.

Sa ulat ng Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ng DepEd, nasa 20,681 paaralan sa siyam na rehiyon ang nagpatupad ng class suspensions kung saan apektado ang libo-libong mga mag-aaral.

Ang pinakamataas na bilang ng mga apektadong paaralan ay sa Region VIII (Eastern Visayas), na sinundan ng Region VI (Western Visayas) at Region VII (Central Visayas).

Nasa kabuuang 2,507 silid-aralan naman mula sa 522 paaralan ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation center. Karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa Regions VII, VI, at Negros Island Region (NIR).

Ang mga temporary shelter na ito ay ginagamit ng daan-daang lumikas na pamilya sa malawakang pagbaha at landslide dahil sa bagyo.

Ayon sa DepEd, nakikipag-ugnayan na ang School Disaster Risk Reduction and Management (SDRRM) teams sa lokal na pamahalaan para umagapay sa mga evacuee at masiguro ang kaligtasan ng mga guro at mga mag-aaral.

Sa report, nakita rin na 76 paaralan sa anim na rehiyon ang nagtamo ng structural damage dahil sa bagyong Tino.

Iniulat sa Region VIII (Eastern Visayas) ang pinakamataas na bilang ng mga apektadong paaralan sa 50, na sinundan ng Region VI at NIR.

Tinukoy sa initial rapid damage assessments ang 64 paaralan bilang totally damaged, 91 ang majorly damaged, at 237 ang minorly damaged.

Kakailanganin ang nasa P11.6 milyong pondo para sa agarang minor repairs, o nasa P49,000 kada paaralan at karagdagang P2.11 milyon para sa clean-up at clearing operations. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here