MANILA, Philippines- Naniniwala ang mayorya ng mga Pilipino na dapat humarap si Vice President Sara Duterte sa Senate trial o impeachment court, ayon sa survey results na ipinalabas nitong Lunes.
Batay sa Tugon ng Masa (TNM) survey ng OCTA Research, nais ng 78% ng mga Pilipino na humarap si Duterte sa Senate trial o impeachment court upang sagutin ang mga kaso at pormal na klaruhin ang kanyang pangalan.
Tanging 13% lamang ang hindi sumang-ayon habang 9% ang nagsabing hindi nila alam ang sagot o wala silang tugon.
“These findings reflect strong public support for accountability and due process in addressing the allegations against the Vice President,” pahayag ng OCTA.
Isinagawa ang non-commissioned survey mula April 20 hanggang 24 sa pamamagitan ng face-to-face interviews na may 1,200 male at female respondents na edad 18 pataas.
Batay sa OCTA, ang survey ay mayroong margin of error na ±3 % sa 95% confidence level. “Subnational estimates for the geographic areas covered in the survey have the following margins of error at a 95% confidence level: ±6% for Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, and Mindanao,” pahayag ng OCTA.
Pinatalsik ng Kamara si Duterte noong February 5, sa parehong araw na dinala ang Articles of Impeachment sa Senado subalit nag-adjourn ito nang hindi tinatalakay ang kaso.
Noong February 25, inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na magsisimula ang mga proseso hinggil sa impeachment trial ni Duterte sa June 2.
Subalit, inihayag ni Escudero noong May 29 na inilipat ang presentasyon ng Articles of Impeachment sa Senado sa June 11 upang iprayoridad ang pagpasa sa items sa legislative agenda ng administrasyon bago matapos ang 19th Congress.
Inaakusahan si Duterte ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at iba pang high crimes.
Itinanggi naman ng Bise Presidente ang mga alegasyon. RNT/SA