Bulacan – Aabot sa 8,761 pamilya ang apektado sa hagupit ng bagyong Pepito mula sa pitong lalawigan kabilang ang lalawigang ito sa Gitnang Luzon.
Sa pinakahuling datos ng Office of the Civil Defence na iniulat nitong Nobyembre 19, mula sa 3,239 evacuation centers sa buong rehiyon ay nagsilbi itong kanlungan ng 8,761 pamilyang binubuo ng 27,229 indibiduwal.
Nabatid na ang mga apektadong lugar ay kinabibilangan ng Aurora, Bataan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Angeles City at Bulacan.
Kaugnay nito, patuloy na nagsasagawa ng rescue at road clearing operations ang buong kapulisan ng Gitnang Luzon upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko na sinalanta ng naturang bagyo.
Sa ulat ni PRO3 Director PBGEN Redrico Maranan, ilang pasilidad ng kapulisan sa lalawigan ng Aurora ang napinsala at sa kabila nito, walang naitalang nasawi na nagpapatunay na epektibo ang tugon ng kapulisan sa naturang sakuna.
“Tinitiyak namin sa publiko na kami ay magpapatuloy sa walang-humpay na pagtatrabaho upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga apektadong komunidad,” sabi pa ni Maranan. Dick Mirasol III