BACOLOD CITY- Hindi na naisalba pa ang buhay ng walong buwang sanggol na nasa sinapupunan matapos tamaan ng ligaw na bala sa tiyan ang ina nito, iniulat kahapon sa Cadiz City.
Ayon kay Police Lt. Col. John Joel Batusbatusan, hepe Cadiz City Police Station, naganap ang insidente sa Purok Zone 4, Barangay VF Gustilo, ng nasabing lungsod.
Nadakip naman ang suspek na 35-anyos na lalaking hindi pinangalanan at nakatira sa naturang lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo ang suspek sa bahay ng kanyang kaibigan bitbit ang .38 revolver na may mga bala at ipinakita niya ito.
Subalit, aksidente itong pumutok at tumama sa 34-anyos na ginang na walong buwang buntis.
Agad naman dinala sa ospital ang biktima pero hindi na naisalba pa ang buhay ng sanggol.
Kusa namang sumuko sa pulisya ang suspek at nagkaroon ng pag-uusap sa pamilya ng biktima at hindi na magsasampa pa ng kaso.
Hindi naman nakaligtas sa kasong illegal possession of firearm and ammunition ang suspek. Mary Anne Sapico