Home NATIONWIDE PBBM nakidalamhati sa mga biktima ni ‘Kristine’ sa Batangas

PBBM nakidalamhati sa mga biktima ni ‘Kristine’ sa Batangas

171
0

MANILA, Philippines- Nag-alok si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng memorial mass, araw ng Lunes, para sa mga nasawi sa panahon ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Kristine sa Barangay Sampaloc, Talisay Batangas.

“Nais ko pong ipaabot ang aming taos-pusong pakikiraramay sa bawat Pilipinong naapektuhan ng Bagyong Kristine,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa isinagawang distribusyon ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFF) sa Talisay, Batangas.

Nagbigay ng maiksing pahayag ang Pangulo matapos ang memorial mass, dinaluhan ng 100 indibidwal kabilang na ang mga pamilya ng biktima at residente ng Ground Zero sa Barangay Sampaloc.

Ang Batangas ang naiulat na may pinakamataas na bilang ng mga nasawi, 61, 20 rito ang mula sa Talisay.

Karamihan sa mga nasawi ay resulta ng landslides at pagkalunod. Ang buong lalawigan ng Batangas ay nasa ilalim ng state of calamity.

Nauna rito, idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Lunes, Nobyembre 4, 2024, bilang Day of National Mourning para sa mga biktima ng malakas na pag-ulan, pagbaha, at malakas na hanging dulot ni Severe Tropical Storm Kristine (international name: Trami).

Sa kanyang Proclamation No. 728, ipinalabas ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa awtoridad ng Pangulo, sinabi ni Marcos na ang pagkakasa sa Nobyembre 4 bilang national day of mourning ay “in solidarity with the bereaved families and loved ones of those who perished due to the devastation brought by Severe Tropical Storm Kristine.”

“The entire nation is requested to offer prayers for the repose of the souls of the victims,” anang Pangulo.

Sinabi ni Marcos na sa Nobyembre 4, dapat itaas ang national flag nang half-mast mula pagsikat ng araw hanggang paglubog nito sa lahat ng government buildings at installations sa buong Pilipinas at sa ibang bansa.

Ipinalabas ang Proclamation No. 728 noong Oktubre 30, 2024. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here