COTABATO CITY, Philippines – Arestado ang walong hinihinalang lokal na terorista ang naaresto sa isinagawang joint law enforcement operation ng militar at pulisya sa Maguindanao del Sur, ayon kay Brig. Gen. Edgar Catu, commander ng Army’s 601st Infantry Brigade, nitong Martes.
Ayon kay Catu, natunton ng mga awtoridad ang mga suspek noong Lunes ng umaga matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente hinggil sa mga umano’y kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiyah (DI)-Hassan Group sa hangganan ng mga bayan ng Shariff Aguak at Datu Unsay.
Pinagsanib na pwersa ng 601st Infantry Brigade at Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa mapayapang pagsuko ng walong suspek matapos silang mapalibutan ng mga tropa.
Nakumpiska sa kanila ang isang M16A1 rifle, 207 bala, at mga cellphone na ginagamit umano sa kanilang mga aktibidad ng terorismo tulad ng pangingikil, pananambang, panghoholdap, at pag-atake sa mga puwersa ng pamahalaan.
“Sawa na ang mga residente sa karahasan at panggigipit ng DI at BIFF, kaya tumulong sila sa militar at pulis upang tuluyang mawasak ang mga grupong ito,” pahayag ni Catu.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Datu Unsay Municipal Police Station, habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila.
Pinuri naman ni Maj. Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry Division at hepe ng Western Mindanao Command, ang mga tropa at sibilyan sa pagtutulungan upang labanan ang kriminalidad at terorismo sa rehiyon. /Mary Anne Sapico