MANILA, Philippines – Sinaklolohan ang walong mangingisda ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) habang nagpapalutang-lutang ang kanilang nasirang fishing boat sa dagat malapit sa Zambales.
Ayon sa Philippine Coast Guard, nakatanggap ng distress call ang kanilang BRP Teresa Magbanua noong Linggo ng gabi mula sa F/B Grey Erron, na nakararanas umano ng clutch disk transmission failure.
Bunsod nito, naubusan umano ng supply ng kuryente ang fishing boat habang nagpapalutang-lutang sa layong 70 nautical miles (129 kilometers) kanlurang bahagi ng Botolan, Zambales.
Narating ng PCG ang lokasyon ng fishing boat pasado alas-7:00 ng gabi at binantayan ito ng buong magdamag.
Kinabukasan, nagpadala ang PCG ng Rigid Hull Inflatable Boat (RHIB) para sa agarang tulong.
Dinala sa pagamutan ang mangingisdang may namamagang binti kasama ang dalawa pa para sa kaukulang medical evaluation.
Agad ding sinuri ng BRP Teresa Magbanua’s engineering team ang makina ng fishing vessel at ni-recharge ang main engine battery.
Matapos masuri ang fishing vessel, naibalik din ng Coast Guard ang nasagip na mga mangingisda kasama ang pasyente pabalik sa kanilang home vessel. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)