MANILA, Philippines – Pansamantalang nakalaya ang walong tauhan ng nilusob na residential compound sa Barangay Siñura, Porac, Pampanga na kilala sa tawag na POGO mansion.
Ito ay dahil kulang pa umano ang mga ebidensya at testigo na magpapatunay na sangkot ang mga ito sa human trafficking.
Napag-alamang anim sa mga ito ay caretaker ng compound habang ang dalawa naman ay incorporators umano ng Whirlwind Corporation na may-ari ng naturang compound.
“According sa ating prosecutor po kailangan pa raw po ng other witnesses po. To prove po ‘yung sa human trafficking na ifa-file po,” pahayag ni PLt. Col. Samuel Quibete, hepe ng Porac Police.
Plano ng pulisya na maghain muli ng reklamo sa tulong ng bago nilang testigo na hindi pa ipinakikilala.
Matatandaan na nadiskubre sa isinagawang raid ng Pampanga police ang dalawang ektaryang compound na may tatlong mansyon at swimming pool.
Naglalaman din ito ng firing range, helipad, man-made lake, salon, spa, KTV bar, game room, entertainment center, at secret tunnel kasama ang mga torture device.
Itinanggi ng Porac LGU na may alam sila kaugnay sa naging operasyon sa loob ng mansion. RNT/JGC