MANILA, Philippines – Ipinaalala ng mga grupo ng mga doktor ang kahalagahan ng kaalaman sa basic life saving skills lalo na sa mga emerhensiya na maaaring mangyari sa loob ng tahanan ngayong Kapaskuhan.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Dr.James Cayetano ng Bell-Kenz Pharma na 8 sa 10 indibidwal ay namamatay sa loob ng bahay dahil hindi agad nalalapatan ng paunang luna o first aid tulad ng CPR sa mga biktima ng stroke.
Ayon kay Dr.Cayetano, kadalasan sa pagkain ang sanhi ng mga karamdaman na nauuwi sa stroke.
Ngayong holiday season na hindi maiiwasan ang masasarap na pagkain, ipinaalala ng Bell-Kenz Pharma na huwag kaligtaan ang pag-inom ng gamot o maintenance.
Sinabi naman ni Dr. Francis Marie Purino at Patrick Larraga na mahalaga rin ang regular na pag-eehersisyo at payo ng Bell-Kenz na sundin ang Platong Pinoy upang makontrol ang pagkain at makaiwas sa mga karamdaman.
Ayon kay Larraga, nakipag-ugnayan na rin sila sa ibang concerned agencies at pribadong mga grupo upang mahigpit na maipatupad ang basic training sa life saving skills. Jocelyn Tabangcura-Domenden