MANILA, Philippines – WALO ang naaresto sa 10 pumugang bilanggo mula sa Batangas Provincial Jail makaraang tutukan ng icepick ang escort nitong prison guard at sumakay ang mga ito ng Alps Bus sa kanilang pagtakas, umaga ng Lunes, Hulyo 28 sa lalawigan ng Batangas.
Kaagad naman sumuko ang lima sa 10 tumakas na bilanggo nang maharang ang mga ito ng mga pulis sa boundary ng lungsod ng Tanauan at Sto. Tomas, Batangas.
Tatlo naman ang naaresto sa bayan ng Ibaan, Batangas samantalang patuloy na tinutugis pa ang dalawa pa sa mga tumakas.
Samantala, sinabi naman ng PRO4 Calabarzon Regional Office na wala umanong naganap na hostage.
Base sa inisyal na report, dakong alas-10:00 kaninang umaga kung saaan sinamahan ng prison guard ang mga tumakas na bilanggo patungo sa public utility room nang bigla umanong tinutukan ng icepick ang escort na prison guard kasabay ng paghablot ng service firearms.
Mabilis na tumakas ang mga ito sa direksyon ng Barangay Qilo Ibaan, Batangas, samantalang,inaalam pa ang mga kasong kinakaharap ng 10 pumugang preso mula sa Batangas Provincial Jail.
Ayon kay Provincial Administrator Atty. Joel Montealto, pinatutukan ni Batangas Governor Vilma Santos ang naganap na pagtakas ng mga nasabing bilanggo sa bagong Provincial Jail kung saan inilipat ang nasa 792 na pawang mga lalaki Persons Deprived of Liberty (PLD) noong Hunyo 24, 2025 galing sa kasalukuyang pasilidad sa lungsod ng Batangas kahit hindi pa umano maayos ang lahat ng security protocols dito. Ellen Apostol