Home NATIONWIDE 8 sugatan sa awayan sa lupa sa Taguig

8 sugatan sa awayan sa lupa sa Taguig

3
0

MANILA, Philippines – Walong indibidwal kabilang ang tatlong guwardya ang sugatan makaraang magkagulo at magpang-abot ang dalawang grupo dahil sa pagtatalo sa pagmamay-ari ng lupa sa Taguig City.

Sa report na natanggap ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Maj. Gen. Anthony Aberin, naganap ang kaguluhan nitong Hunyo 23 sa Block 1, Sitio Pusawan, Barangay Ususan, Taguig City.

Ayon kay Aberin, nakita di-umano ng mga nagbabantay na guwardya sa lugar ang ilang indibidwal na nagtatayo ng shanty sa loob mismo ng pinagtatalunang property at nang sitahin ang mga nabanggit na indibidwal ay inagaw di-umano ng isa sa mga ito ang service shotgun ng isang guwardya na pinagmulan ng kaguluhan.

Sa pagkakataong ito ay nagpaputok na ang dalawang guwardya ng warning shot ngunit ang mga pellets nito ay tumalbog sa limang indibidwal habang tatlong guwardya naman ang sugatan din sa naturang kaguluhan.

Ang mga sugatang indibidwal ay isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital upang mabigyang lunas ang kani-kanilang tinamong pinsala bago pa man dalhin ang mga ito sa kustodiya ng pulisya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.

Sa pagresponde ng pulisya ay kinumpiska ang 13 armas na inisyu sa mga guwardya kabilang ang pistola, rebolber at shotgun para isailalim ang mga ito sa forensic examination.

Ang mga guwardya naman ay isinailalim sa paraffin testing habang ang mga kinumpiskang baril ay isasailalim sa ballistic analysis ng Southern Police District (SPD) Crime Laboratory.

Tatlo sa mga guwardya ay maaring sampahan ng kasong attempted homicide habang ang lima namang indibidwal ay nahaharap sa kasong robbery sa Taguig City Prosecutor’s Office.

“Property issues must be resolved through lawful processes, not through intimidation, aggression, or the misuse of firearms,” ani pa Aberin. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here