MANILA, Philippines – Tinitiyak ng Office of Civil Defense (OCD) ang ulat na walong katao ang namatay dahil sa pinagsamang epekto ng Tropical Depressions Luis at Maymay at ng Habagat.
Ayon sa OCD, ang malalakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw ay nakaapekto na sa humigit-kumulang 223,000 pamilya o 752,000 katao sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region, Calabarzon, at Mimaropa.
Batay sa paunang ulat, dalawa ang namatay sa Benguet dahil sa landslide, tatlo sa Rizal (dalawa dahil sa rockslide at isa dahil sa natumbang puno), at tatlo sa Batangas dahil sa pagkalunod, electrocution, at landslide.
Mayroon ding siyam na naiulat na nasugatan—pito sa Benguet, isa sa Rizal, at isa sa Cavite—habang isang tao ang naiulat na nawawala sa Batangas.
Sa kasalukuyan, 412 evacuation centers ang aktibo at 10,000 pamilya o 34,400 katao ang pansamantalang nanunuluyan dito.
Tinatayang 300 bahay ang napinsala, kung saan 276 ang bahagyang nasira at 24 ang tuluyang nawasak.
Ayon sa OCD, umabot na sa ₱3.53 milyon ang pinsala sa agrikultura at ₱1.12 bilyon ang pinsala sa imprastraktura. RNT/MDS