MANILA, Philippines – Bahagyang bababa ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong Agosto dahil sa unang bahagi ng P9.5-bilyong refund na iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ayon sa Meralco, bababa ang singil ng P0.0428 kada kilowatt-hour (kWh), kaya ang kabuuang rate ay magiging P14.7833 kada kWh, mula sa P14.8261 kada kWh noong Hulyo.
Katumbas ito ng humigit-kumulang P9 bawas sa buwanang bill ng mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWh.
Sisimulan ng Meralco ngayong buwan ang pagpapatupad ng refund, na katumbas ng P0.5861 kada kWh para sa mga residential customer, at ipatutupad ito sa loob ng anim na buwan.
Batay sa desisyon ng ERC noong Hulyo 31, inatasan ang Meralco na ibalik ang katumbas ng P0.3449 kada kWh sa mga consumer sa loob ng anim na buwan bilang hiwalay na item sa kanilang electricity bill.
Nag-ugat ang refund matapos magsumite ang Meralco ng dalawang magkahiwalay na aplikasyon para sa refund noong nakaraang taon at unang bahagi ng 2026. RNT/MDS