OLONGAPO, Philippines – Mahigit 500 residente ng Olongapo City ang lumikas mula sa kanilang mga bahay dahil sa pagbaha na dulot ng tuloy-tuloy na ulan dala ng Habagat.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), 165 pamilya o 517 indibidwal ang naapektuhan at napilitang lumikas.
Bandang 4:30 a.m., umabot sa 4 na metro ang tubig sa ilog sa ilalim ng Del Rosario, Sta. Rita, at Kalaklan bridges, na siyang spilling level ng ilog.
Dahil dito, binaha ang bahagi ng 11 barangay, kabilang ang Sta. Rita, East at West Bajac-Bajac, Kababae, West at East Tapinac, New Ilalim, New Banicain, Mabayuan, Old Cabalan, at Lower Kalaklan.
Dahil sa masamang panahon, sinuspinde ng pamahalaang lungsod ang klase sa lahat ng antas at ipinatupad ang work-from-home arrangement sa mga tanggapan ng gobyerno, maliban sa mga nagbibigay ng pangunahing serbisyo, disaster response, at serbisyong pangkalusugan.
Ayon sa PAGASA, inaasahang makatatanggap ang Zambales ng 100 hanggang 200 millimeters na ulan mula Agosto 9 hanggang tanghali ng Agosto 12, at maaari pang mas lumakas ang ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar. RNT/MDS