Home NATIONWIDE 80 barko ng China namataan sa WPS nitong Oktubre — AFP

80 barko ng China namataan sa WPS nitong Oktubre — AFP

9
0

MANILA, Philippines – Umabot sa 80 barko ng China ang namataan sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) nitong Oktubre, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Mas mababa ito kumpara sa 101 Chinese vessels na namonitor sa parehong mga pinag-aagawang lugar noong Setyembre.

Ayon kay AFP spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, kabilang sa mga namataan mula Oktubre 1 hanggang 31 ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army Navy (PLAN).

Sa Ayungin Shoal, namonitor ang 11 CCG vessels at 13 PLAN ships.

Pinakamarami naman ang naitala sa Bajo de Masinloc kung saan 30 CCG vessels at 11 PLAN ships ang namataan.

Sa Escoda Shoal, tatlong CCG vessels at walong PLAN ships ang namonitor, habang tatlong CCG vessels at isang PLAN ship naman ang nakita sa Pag-asa Island.

Patuloy ang tensyon sa South China Sea dahil sa magkakapatong na territorial at maritime claims ng ilang bansa, kabilang ang Pilipinas at China.

Inaangkin ng Beijing ang halos buong South China Sea, kabilang ang mga bahaging sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Noong 2016, pinaboran ng arbitral tribunal sa The Hague ang Pilipinas at sinabing walang legal na batayan ang malawak na maritime claims ng China sa ilalim ng tinatawag nitong nine-dash line.

Hindi kinikilala ng China ang naturang ruling. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here