PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur – Pormal nang binuksan ang isang specialized training facility sa Zamboanga del Sur na susuportahan ng Estados Unidos para sa counterterrorism training ng Philippine National Police (PNP).
Pinangunahan nina Zamboanga del Sur Gov. Divina Grace Yu, 1st District Rep. Joseph Kim Yu at One Coop Party-list Rep. Maria Kristina Jihan Glepa ang pagtanggap sa delegasyon mula sa U.S. Embassy nitong Martes sa Provincial Government Center sa Barangay Dao, Pagadian City.
Pinamunuan naman ni U.S. Department of State Assistant Secretary Todd Wilcox ng Diplomatic Security ang delegasyon ng Estados Unidos.
Ang pagbubukas ng pasilidad ay kasunod ng memorandum of agreement sa pagitan ng provincial government at U.S. Embassy para gawing regional training hub ang Provincial Government Complex para sa antiterrorism programs ng PNP.
Sa ilalim ng programa, naglaan ang U.S. Embassy ng $500,000 para sa pagtatayo ng permanenteng training facilities at pagdadala ng international experts sa counterterrorism, kabilang ang mga espesyalista sa explosive ordnance disposal.
Nauna nang sinabi ng U.S. Embassy na nagkakahalaga ng P30.8 milyon ang suportang nakalaan para sa law-enforcement training program sa Pagadian.
Ayon kay Yu, layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng mga law enforcer sa pagpigil at pagresponde sa mga banta ng terorismo.
Kabilang sa mga pasilidad sa Dao complex ang pangunahing training center, billeting quarters, firing range at sports facilities para sa physical conditioning ng mga trainees.
Ayon sa provincial government, magsisilbing pangunahing instruction center ang Pagadian para sa mga PNP officer mula sa iba’t ibang rehiyon.
Nauna ring nagsagawa ang U.S. Department of State’s Antiterrorism Assistance program ng specialized training sa Pagadian para sa mga Filipino law enforcement personnel, kabilang ang pagsasanay sa imbestigasyon ng blast scenes noong Agosto.
Sinabi ni Yu na inaasahang makatutulong ang pasilidad hindi lamang sa seguridad ng Zamboanga del Sur kundi maging sa mas malawak na counterterrorism capability ng Mindanao at bansa. Mary Anne Sapico