Home NATIONWIDE 84% ng Pinoy aprub sa pagprotekta ng gobyerno sa PH maritime rights

84% ng Pinoy aprub sa pagprotekta ng gobyerno sa PH maritime rights

MANILA, Philippines – Isang survey mula sa OCTA Research ang nagpakitang 84 porsyento ng mga Pilipino ang sumusuporta sa mga hakbang ng gobyerno na ipagtanggol ang maritime rights ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Isinagawa ang Tugon ng Masa (TNM) survey noong Nobyembre 10 hanggang 16, 2024, na nagpakita ng matibay na suporta, kung saan pinakamataas ang naitala sa Metro Manila sa 90 porsyento at pinakamababa sa Balance Luzon sa 81 porsyento.

Magkakapareho ang antas ng suporta sa iba’t ibang socioeconomic classes, na may 84 porsyento sa Class D at 83 porsyento sa Class E.

Sa mga age group, ang mga edad 25 hanggang 34 ang may pinakamataas na suporta sa 89 porsyento, habang pinakamababa ang 18 hanggang 24 sa 71 porsyento. Mataas din ang kaalaman ng publiko tungkol sa isyu ng WPS, kung saan 91 porsyento ng mga respondent ang pamilyar dito.

Ang survey, na may 1,200 respondents na edad 18 pataas, ay may ±3 porsyento na margin of error at 95 porsyento na confidence level.

Binigyang-diin ng National Security Council (NSC) ang matibay na paninindigan ng gobyerno laban sa mga ilegal na aktibidad ng mga pwersa ng China sa loob ng katubigan ng Pilipinas, partikular ang patuloy na operasyon ng China Coast Guard (CCG) vessel 5901, na tinatawag na “monster ship” dahil sa laki nitong 165 metro.

Muling iginiit ng National Maritime Council (NMC) na ang mga aksyon ng China ay lumalabag sa batas ng Pilipinas, kabilang ang Republic Act 12064 o Philippine Maritime Zones Act, batas internasyonal, at ang 2016 arbitral ruling na nagpatibay sa karapatang-soberanya ng Pilipinas sa mga maritimong sona nito, partikular sa WPS. RNT