MANILA, Philippines – Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Biyernes na pinag-aaralan ng gobyerno ang pagdedeklara ng food security emergency upang matugunan ang mataas na presyo ng bigas sa bansa.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Marcos na naghihintay ang Department of Agriculture (DA) ng pormal na rekomendasyon mula sa National Price Coordinating Council (NPCC) na inaasahang matatanggap sa susunod na linggo.
“Ang rekomendasyon, sa tingin ko, ay magdedeklara ng emergency,” ani Marcos, na binanggit na hindi gumagana nang maayos ang market mechanisms upang mapababa ang presyo ng bigas.
Kamakailan, inaprubahan ng NPCC ang isang resolusyong humihimok sa DA na magdeklara ng food security emergency dahil sa patuloy na mataas na presyo. Sa ilalim ng Republic Act 11203, may kapangyarihan ang Kalihim ng Agrikultura na magdeklara ng ganitong emergency kapag may kakulangan sa suplay o hindi pangkaraniwang pagtaas sa presyo.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel, “justified” ang hakbang na ito, batay sa sapat na datos na sumusuporta sa deklarasyon. Ipinaliwanag naman ni DTI Secretary Ma. Cristina Roque, na namumuno sa NPCC, na ang hakbang na ito ay magpapahintulot sa National Food Authority (NFA) na maglabas ng buffer stock na 300,000 metric tons ng bigas upang patatagin ang presyo.
Ang mga inilabas na stock ay papalitan ng lokal na ani upang suportahan ang mga magsasakang Pilipino.
Binigyang-diin ni Roque na ang hakbang na ito ay magbibigay-proteksyon sa mga mamimili habang pinapalakas ang sektor ng agrikultura. Ang paglabas ng buffer stocks ay makakatulong din upang ma-decongest ang mga bodega ng NFA bilang paghahanda sa anihan ngayong Pebrero.
Inaasahang magiging mahalagang hakbang ang deklarasyon ng food security emergency upang matiyak ang abot-kayang presyo ng bigas at mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino. RNT