NASA 84 Chinese nationals ang ipinatapon ng Bureau of Immigration (BI) pabalik ng kanilang bansa bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng gobyerno ng Pilipinas na lansagin ang mga ilegal na Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga dayuhan ay pinaalis sakay ng Philippine Airlines flight papuntang Beijing noong Abril 11.
Isinagawa ang deportasyon sa pakikipag-ugnayan sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), National Bureau of Investigation (NBI), at Chinese Embassy sa Maynila.
“This operation reflects our strong resolve to implement President Ferdinand R. Marcos Jr.’s directive to shut down illegal POGOs and remove foreign nationals who violate our immigration laws,” ani Viado.
Nabatid sa BI na ang 84 na dayuhan ay napag-alamang overstaying o undocumented, at nai-turn over sa bureau matapos arestuhin sa isang serye ng mga enforcement operations.
Ang mga Chinese national na ito ay bahagi ng mga nakaraang inaresto ng mga operatiba ng gobyerno sa Tarlac, Cebu, at Parañaque.
Tiniyak ng BI sa publiko na nananatili itong nakatuon sa pagsuporta sa pagsisikap ng administrasyon na maibalik ang kaayusan at itaguyod ang batas sa pamamagitan ng pagsugpo sa mga ilegal na dayuhang aktibidad na nauugnay sa organisadong krimen. RNT