Home METRO Pagsasama ng 2 barangay sa Calaca, Batangas, pinagtibay ng SC

Pagsasama ng 2 barangay sa Calaca, Batangas, pinagtibay ng SC

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema (SC) ang desisyon na pagbuwagin ang Barangay San Rafael at isanib ito sa Barangay Dacanlao sa Calaca, Batangas, upang matigil na ang matagal nang legal na alitan.

Sa desisyon na isinulat ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo, pinawalang-bisa ng SC En Banc ang Ordinance No. 002, series of 2009, na nagbabaligtad sa abolisyon ng Barangay San Rafael.

Noong 1997, isinabatas ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang Ordinance No. 05 na nagbuwag sa Barangay San Rafael at isinama ito sa Barangay Dacanlao.

Idinaos ang plebisito noong 1998 kung saan ang mayorya ng mga botante ay pabor na pag-isahin ang dalawang barangay.

Gayunpaman, kinuwestiyon ito ng ilang residente sa korte. Matapos ang ilang taon ng pagdinig, kinatigan ng Regional Trial Court (RTC) ang ordinansa.

Nagdesisyon din ang SC na balido ang plebisito, ngunit pansamantala itong hindi ipinatupad hangga’t hindi nareresolba ng RTC ang kaso at iniiakyat ang usapin sa Court of Appeals.

Samantala, naglabas muli ang Sanggunian ng ikalawang ordinansa upang baligtarin ang naunang merger at mapanatili ang Barangay San Rafael.

Hindi isinama sa ikalawang ordinansa ang pagkakaroon ng plebisito at kulang ito ng kinakailangang sertipikasyon mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang patunayan na nakamit ng San Rafael ang minimum na populasyon na 2,000 residente na kailangan sa ilalim ng Local Government Code (LGC).

Idineklara ng SC na ang ikalawang ordinansa ay labag sa Konstitusyon at sa Local Government Code.

Iginiit ng SC na legal ang pagsasama ng Barangay San Rafael sa Barangay Dacanlao kasunod ng naganap na 1998 plebisito. Teresa Tavares