Home NATIONWIDE 85 kongresista sumuporta sa Bagong Pilipinas ni PBBM

85 kongresista sumuporta sa Bagong Pilipinas ni PBBM

MANILA, Philippines – Nasa 85 miyembro ng House of Representatives ang nakiisa sa paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Bongbong Marcos sa Zamboanga City nitong Biyernes, Mayo 10.

Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang 85 kongresista na dumalo sa event na naglalayong ilapit sa mga taga-Zamboanga ang serbisyo at mga programa ng gobyerno.

Ikinatuwa ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Dalipe, ang local host ng event, ang dami ng mga mambabatas na isa umanong pagpapakita ng pagkakaisa ng mga kongresista para matulungan ang mga nangangailangang Pilipino.

“Tunay tayong nagagalak sa ating nakikitang pagkakaisa sa ating mga mambabatas na dumalo sa Zamboanga City BPSF. Nakaka-inspire makita ang higit 80 na mga mambabatas na kasama natin sa Kongreso para personal na ipakita ang kanilang suporta sa isang programang inilalapit ang serbisyo ng pamahalaan sa ating mga mamamayan,” pahayag ni Romualdez.

Ang Zamboanga City leg ng BPSF ang ika-16 na yugto ng serbisyo caravan na dadalhin sa lahat ng 82 probinsya sa bansa.

Bitbit ng caravan ang mahigit 400 serbisyo ng gobyerno, cash assistance at iba pang benepisyo na nagkakahalaga ng P580 milyon para sa may 111,000 benepisyaryo.

Ang pagsasama-sama ng mga kongresista, ayon kay Speaker Romualdez, ay patunay ng pakikiisa ng lehislatura kay Pangulong Marcos na makagawa ng mga makabuluhang reporma at inisyatiba para sa mga Pilipino.

Ang bilang na 85 ang pinakamalaking bilang ng mga kongresista na dumalo sa isang BPSF. Pumapangalawa ang Agusan del Norte na may 62, at sinundan ng Benguet na may 60. Gail Mendoza