Home NATIONWIDE 88M Pinoy nakarehistro na sa national ID

88M Pinoy nakarehistro na sa national ID

Sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes na halos 88 milyong Pilipino na ang nakarehistro para sa Philippine Identification System (PhilSys) ID o national ID sa ngayon.

Ayon kay Deputy National Statistician Fred Sollesta, malapit na sa 92 milyon ang target ng gobyerno para sa 2024.

“‘Yung remaining segment of the population na hindi pa nag register hinihikayat talaga namin na magpa rehistro na kayo para at least ma-experience niyo rin ‘yung advantages,” aniya sa isang ulat.

Dagdag pa niya, ang PhilSys ID ang magiging pinakamatibay na verification ng identity ng isang indibidwal.

“‘Yung ibang institusyon na nag re-require pa ng dalawang ID, pero ‘pag pinapakita ‘yung national ID ay sapat na yun… kasi ‘yung national ID natin ay mave-verify mo siya,” paliwanag pa ni Sollesta .

Sinabi ni Sollesta na ang PSA ay namahagi ng 51.5 milyong physical card habang 3 milyon ang kasalukuyang ipinamamahagi.

Samantala, sinabi niya na 25 milyong ePhilIDs, ang digital version ng national ID na naka-print sa mga registration center, ay nabuo at nai-issue. RNT